Malayang pamamahayag ng media suportado ng BuCor chief

Malayang pamamahayag ng media suportado ng BuCor chief

Nagpahayag ng suporta si Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gregorio Pio Catapang Jr. sa malayang pamamahayag ng miyembro ng media sa mismong inagurasyon ng BuCor Press Corps at panunumpa ng mga mamamahayag bilang bagong mga opisyal ng organisasyon.

Binigyang-diin ng BuCor Chief ang mahalagang tungkulin ng media sa larangan ng pagbabalita at pagbabahagi ng impormasyon sa publiko.

Ayon kay Catapang, ito ang kauna-unahang pagtatatag ng media press corps sa loob ng BuCor sa pamumuno ni Gary De Leon ng TV 5, upang magpabatid ng mga pangyayari sa ahensiya at sa loob ng mga prison at penal farms sa buong bansa.

Humingi ng tulong ang opisyal sa media na suportahan siya sa kanyang adbokasiya na reporma sa Bucor na target niyang mapagtagumpayan sa loob ng limang taon bago matapos ang termino ng Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr.

Inilahad ni Catapang na malayang ibalita ng media ang mga nangyayari sa BuCor mapa-negatibo man aniya ito o positibo at nakahandang isaayos ang mga makikitang pagkakamali.

Aminado si Catapang na habang tumatagal ang araw ng kanyang liderato sa BuCor ay lalong dumarami ang nakikita niyang problema kabilang na rito ang New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City.

Kabilang sa pagpapatupad ng pagbabago ay ang pagbibigay ng kabuhayan sa mga Persons Deprived of Liberty (PDLs) sa pamamagitan ng pagtatanim sa mga ekta-ektaryang lupa ng BuCor bilang tugon naman sa matatag na supply ng pagkain sa bansa.

Nakatakda na rin ang paglilipat ng mga PDLs mula sa NBP patungo sa iba’t ibang prison at penal farms na nasa ilalim ng pamamahala ng BuCor na bahagi ng ipinapatupad na reporma. (Bhelle Gamboa)

 

 

 

 

 

 

 

 

newsflashph

newsflashph

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *