Savings ng Pag-IBIG members tumaas sa unang 4 na buwan ng taon
Umabot sa P27.51 billion ang naitalang savings ng mga miyembro ng Pag-IBIG Fund sa unang apat na buwan ng taong 2023.
Katumbas ito ng 10 percent na pagtaas at sapat para maitala ang bagong rekord para sa highest amount saved ng mga miyembro ng Pag-IBIG.
Ayon kay Secretary Jose Rizalino L. Acuzar, na siyang namumuno sa Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) at sa 11-member Pag-IBIG Fund Board of Trustees,
Ang pagtaas ng kuleksyon sa savings ng mga miyembro ay pagkakataon para sa Pag-IBIG na matustusan ang tumataas na demand para sa home loans.
Ito ay upang matugunan ang Pambansang Pabahay para sa Pilipino Housing o 4PH Program ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ayon kay Pag-IBIG Fund Chief Executive Officer Marilene C. Acosta, nakapagtala din ng record-high collections sa Modified Pag-IBIG 2 (MP2) Savings Program.
Ang halaga na boluntaryong naipon ng mga miyembro sa ilalim ng MP2 Savings sa unang apat na buwan ng taon ay umabot na sa P13.89 billion, o 14 percent na mataas kumpara sa P12.14 billion sa parehong buwan noong nakaraang taon.
Ang MP2 Savings ay voluntary savings program ng Pag-IBIG na mayroong mas mataas na dibidendo kumpara sa Regular Savings program.
Ang programa ay mayroong 5-year maturity period at may minimum savings requirement na P500 lamang.
Bukas din ang MP2 Savings sa mga retirees at pensioners na dating Pag-IBIG Fund members. (DDC)