Super Typhoon Mawar lumakas pa habang papalapit sa bansa
Lumakas pa ang Super Typhoon Mawar habang kumikilos papalapit sa bansa.
Ayon sa 11AM Tropical Cyclone Advisory ng PAGASA, ang bagyo ay huling namataan sa layong 1,705 kilometers East ng Southeastern Luzon.
Taglay nito ang lakas ng hangin na aabot sa 215 kilometers bawat oras at pagbugsong aabot sa 260 kilometers bawat oras.
Kumikilos ang bagyo sa direksyong pa-kanluran sa bilis na 20 kilometers bawat oras.
Ayon sa PAGASA, posibleng pumasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ang bagyo Biyernes ng gabi o Sabado ng umaga.
Simula sa Linggo ng gabi o sa Lunes ng umaga ay maaaring makaranas na ng malakas na pag-ulan sa Northern Luzon dahil sa nasabing bagyo.
Simula Sabado ng gabi ay maaaring magtaas na ng tropical cyclone wind signal ang PAGASA sa mga lugar na maaapektuhan ng bagyo.
Inaasahan ding palalakasin ng bagyo ang Habagat na magdudulot ng monsoon rains sa western portions ng Central Luzon, Southern Luzon, at Visayas sa Linggo o Lunes. (DDC)