Pagtanggap ng dalaw sa Bilibid at Correctional, pinayagan na muli
Iniulat ng Bureau of Corrections (BuCors) ang pagbabalik ng pribilehiyo ng pagdalaw sa New Bilibid Prison (NBP) at ng Correctional Institute for Women (CIW) matapos ang dalawang linggong suspensiyon dahil sa Covid 19.
Sa natanggap na report ni BuCor Director General Gregorio Pio P. Catapang Jr., mula kina CT/ SSupt. Maria Cecilia Villanueva, BuCor’s Director for Health and Services at CT/Supt. Elsa A. Alabado, Superintendent ng CIW sa Mandaluyong City na ang Covid free na ang dalawang pasilidad.
Sinabi ni Alabado na tanging isang tauhan ng CIW ang nananatili na lamang sa isolation at inaasahang babalik siya sa trabaho ngayong linggo.
Aniya kinakailangan pa rin ang minimum health protocol para sa mga bisita gaya ng pagsusuot ng face mask habang naglagay ng sanitizing area bilang proteksiyon ng mga stakeholders.
Inilahad naman ni Villanueva na oobligahin ang mga bisita sa NBP na magprisinta ng rapid antigen test negative result sa loob ng 24-oras para sa kanilang nakatakdang pagdalaw at dapat nakasuot ng face mask.
Ang bisitasyon ay mula Miyerkules hanggang Linggo sa ganap na alas-7:00 ng umaga hanggang 3:00 ng hapon.
Ipinabatid din ni Villanueva kay J/SInsp Angelina L. Bautista (Ret.), OIC-Deputy Director General for Operations at ODG-Head Executive Assistant, na nakipagpulong siya sa mga Persons Deprived of Liberty (PDL) commanders ng maximum security compound upang pag-usapan ang probisyon sa healthcare services na ibinibigay ng NBP Hospital.
Aniya sa mga usapin sa referrals sa labas ng ospital,ipinaliwanag ni Villanueva na pinapayagan naman ito lalo na kung para sa evaluation at emergency cases subalit dapat itong klaruhin ng Department of Justice habang ang mga medisina o gamot na dadalhin sa loob ng NBP para gamitin ng PDLs ay pahihintulutan lamang matapos ang pag-apruba ng Directorate Health Service.
Hiniling ng mga commanders sa BuCor na maglaan ng kuwarto sa bagong gawang NBP Hospital para sa teleconferencing o virtual consultations ng kanilang attending physicians.
Ang mungkahing ito ay sasailalim pa sa mga deliberasyon ayon kay Villanueva.
Samantala, dahil kumpleto ang lahat ng commanders sa pulong iniutos ni Villanueva na sumailalim sa random drug testing.
Lahat sila ay nagnegatibo sa resulta sa paggamit ng droga na kinilalang sina Nicanor Dimliwat, Rodeo Ramos, Daicho Villar, Richard Gabriel, Ferdinand Dinaque, Peter Ong, Edwin Calderon, Joel Rebotaso, Conrado Ramos, Fromencio Enacmal, Ashmeri Dilangalen, Jomar Macalansag, Wilfredo Arias at Joselito dela Cruz. (Bhelle Gamboa)