“Habal-habal” operators hinikayat na lumahok sa pilot study sa planong gawing public transpo ang motorcycle taxi
Hinimok ng Motorcycle Taxi Technical Working Group (MC Taxi-TWG) ang mga “habal-habal” operator, partikular na sa mga probinsya, na lumahok sa pilot study na kaugnay ng isinusulong na operasyon ng mga motorcycle taxi bilang alternatibong pampublikong sasakyan.
Ayon kay Atty. Paul Austria, Secretariat ng MC Taxi-TWG, sa sandaling maging ganap na batas ang panukala para gawing legal ang Motorcycle Taxi sa bansa, mas mababantayan at maaaring makatanggap ng mga benepisyo mula sa programa ang mga kalahok nito.
Ang plano ng TWG ay alinsunod sa panukala ni Senador Raffy Tulfo sa gitna ng pagdinig ng Senate Committee on Public Services na pinangunahan ni Senador Grace Poe.
Samantala, sinabi ni MC-TWG Chairperson Atty. Teofilo Guadiz III, na siya ring Chairperson ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), na pag-aaralan ng TWG kung kinakailangan pang palawigin ang lugar na sakop ng pilot study ng MC Taxi.
Inaalam na rin ng TWG kung posibleng magdagdag ng kalahok na kumpanya sa pilot study gayundin ang bilang ng mga rider na nakalaan para sa tatlong Transport Network Companies (TNCs) na kasama sa pag-aaral.
Kabilang sa mga TNC na lumahok sa pilot study ay ang Angkas, JoyRide, at Move It.
Noong 2019 ay inatasan ng kongreso ang Department of Transportation (DOTr) na magsagawa ng MC Taxi pilot study upang malaman kung ligtas at maaari itong gawing legal na pampublikong transportasyon sa Pilipinas. Ang nasabing pag-aaral ay una nang isinagawa sa Metro Manila at Metro Cebu. (DDC)