Bagyong Mawar ibinaba sa typhoon category ng PAGASA; posible pa ring lumakas sa susunod na mga araw
Ibinaba ng PAGASA sa typhoon category ang bagyong nasa labas ng bansa na mayroong international name na Mawar.
Ayon sa PAGASA, bahagya kasing humina ang bagyo.
Gayunman, hindi inaalis ng PAGASA ang posibilidad na lalakas muli ang bagyo sa susunod na mga araw.
Sinabi ni Chris Perez, Assistant Weather Services Chief ng PAGASA, malawak pa ang karagatang tatahakin ng bagyo kaya maaari pa itong lumakas.
Ang bagyo ay huling namataan 2,305 kilometers east ng Visayas taglay ang lakas ng hangin na aabot sa 175 kilometers per hour malapit sa gitna at pagbugso na aabot sa 215 kilometers per hour.
Ayon kay Perez, ang bagyo ay papasok sa bansa sa pagitan ng Biyernes ng gabi at Sabado ng umaga.
Papangalanan itong “Betty” sa sandaling pumasok na sa bansa.
Bagaman malayo sa kalupaan ng Pilipinas ang sentro ng bagyo, ang lawak nito ay magdudulot na ng pag-ulan sa ilang lugar sa Northern Luzon simula sa araw ng Linggo (May 28) o Lunes (May 29).
Hindi rin inaalis ng PAGASA ang posibilidad na magtaas ng warning signal.
Partikular na maaapektuhan ayon kay Perez ang Cagayan Valley sa pagitan ng Linggo at Martes.
Gayunman, maaaring palakasin ng bagyong Mawar ang Habagat na magdudulot ng monsoon rains sa western portions ng MIMAROPA, Visayas, at Mindanao simula sa Biyernes hanggang Sabado at sa western sections ng Southern Luzon at Visayas sa araw ng Linggo.
Ayon sa PAGASA, agad magpapalabas ang weather bureau ng tropical cyclone advisory sa sandaling pumasok na sa bansa ang bagyo. (DDC)