Mga paliparan inihahanda na sa posibleng epekto ng Super Typhoon Mawar
Inihahanda na ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ang mga paliparan sa posibleng magiging epekto ng Super Typhoon Mawar.
Ayon sa Department of Transportation (DOTr), nagpapatupad na ng precautionary measures ang mga paliparan na ino-operate ng CAAP.
Sa pagtaya ng PAGASA, papasok sa bansa ang bagyo sa Bieyrnes o sa Sabado.
Ang mga paliparan sa mga lugar na posibleng tahakin ng bagyo gaya ng sa Ilocos region at Cagayan Valley ay nagsagawa na ng pre-typhoon coordination meetings at assessments.
Ito ay para masiguro ang kahandaan sa posibleng maging epekto ng bagyo.
Inihanda na din ang Malasakit Help Kits at food packs na ipamamahagi kung may mga maaapektuhang biyahero.
Noong Martes (May 23) ang CAAP Tacloban ay nagsagawa na din ng in-airport incident drill bilang paghahanda sa mga hindi inaasahang aircraft incidents. (DDC)