Halaga ng medical examination para makakuha ng lisensya ibinaba sa P300 ng LTO

Halaga ng medical examination para makakuha ng lisensya ibinaba sa P300 ng LTO

Itinakda ng Land Transportation Office (LTO) sa ₱300 ang maximum na halaga ng medical examination na sisingilin ng mga accredited na medical clinic o health facility para sa aplikasyon ng student permit at driver’s license.

Alinsunod ito sa nilagdaang Memorandum Circular ni LTO Chief Jayart Tugade bilang tugon sa mga hinaing kaugnay ng mataas na halaga ng medical examination na isa sa mga pangunahing requirement sa pagkuha ng lisensya ng pagmamaneho.

Ayon kay Tugade, ang magiging maximum prescribed rate ng medical examination fee na sisingilin sa mga driver-applicant ay P300 kada transaksyon.

Maaari rin aniya na maningil nang mas mababa sa P300.

Sakop ng bagong polisiya ang lahat ng LTO accredited medical clinics at health facilities kung saan ay accredited din na doktor ang nagsasagawa ng medical, physical, optical at iba pang pagsusulit para sa aplikasyon ng student driver’s permit, bagong non-professional driver’s license at bagong conductor’s license, gayundin sa renewal at upgrading ng lisensya mula sa non-professional tungo sa professional.

Para sa unang paglabag, maaaring maharap sa parusang suspensyon ng akreditasyon sa loob ng 90 araw at multang P10,000 ang medical clinics at health facilities na hindi susunod sa bagong polisiya.

Tatagal naman ng 180-araw na suspensyon at multang P15,000 ang parusa sa lalabag sa ikalawang pagkakataon at pagbawi na ng akreditasyon bukod pa sa perpetual o habambuhay na diskuwalipikasyon bilang accredited medical clinic o health facility para sa ikatlong beses na lalabag.

Ang direktiba ay batay sa rekomendasyon ng binuong komite na nagsagawa ng mga pag-aaral at serye ng konsultasyon upang makabuo ng makatwirang halaga ng medical examination.

Alinsunod sa Memorandum Circular 2018-2157 na nilagdaan nuong Nobyembre 27, 2018, maaaring mai-regulate at regular na ma-monitor kung makatwiran o lumalabis na ang medical examinations fees ngunit hindi nakasaad ang partikular na maximum na halaga na dapat sundin ng medical clinics at health facilities.

Mula sa pagbibigay ng libreng Theoretical Driving Course, pagtatakda ng maximum prescribed rates para sa pagkuha ng TDC at Practical Driving Course sa mga driving school, pinalawig na rin sa tatlong taon na validity o bisa ng rehistro ng lahat na ng uri ng mga bagong motorsiklo na 200cc pababa ang makina upang makatipid ang publiko.

Iiral ang bisa ng Memorandum Circular, labing-limang araw matapos na mailathala sa pahayagang nasyunal ang bagong polisiya o makapaghain ng sertipikadong kopya sa Office of the National Registry sa UP Law Center sa Diliman, Quezon City. (DDC)

 

 

 

 

 

 

newsflashph

newsflashph

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *