DILG tutulong sa Kalayaan, Palawan
Inilunsad ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang pilot project ng ahensya na ‘Bayanihang Adhikain, Bayaning Aksyon: Para sa Kalayaan’ upang buong lakas na aalalayan ang local government unit (LGU) ng Kalayaan para makapaghatid ng mas magandang serbisyo publiko para sa mga mamamayan nito.
Ayon kay DILG Secretary Benhur Abalos Jr. na pasimula pa lamang ito ng katuparan ng mga pangako ni Pangulong Bongbong Marcos na maabot ang mga nasa pinakamalalayo at maiparamdam sa kanila ang sabay-sabay nating pagbangon.
Sa pagbisita ng kalihim sa Pag-asa Island,sa bayan ng Kalayaan sa Palawan nitong nakaraang buwan ay ilan sa naging punong paksa rito ang school buildings, healthcare facilities, solid waste management facilities at mas pinagandang water supply.
Aniya, hatid ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang pondo para sa Material Recovery Facilities (MRF) at mula naman sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources ang cold storage facilities upang suportahan ang local livelihood ng mga mangingisdang residente.
Samantala, pagtutulungan rin ng DepEd at TESDA ang mga kakulangan sa edukasyon sa pamamagitan ng distance learning at mga training tungkol sa organic agriculture production at food processing.
Tinalakay rin ng Department of National Defense at Civil Aviation Authority of the Philippines ang posibilidad na buksan ang Pag-asa airstip sa komersyo upang bigyang daan ang turismo sa isla.
“Iilan lamang ito sa maraming pang proyektong ating sisimulan. Hangad ng DILG na patuloy na maabot ang malalayong mga munisipalidad kagaya ng Kalayaan at maiparamdam sa kanila ang alaga ng national government sa pangunguna ng ating mahal na Pangulong Bongbong Marcos,” ani Secretary Abalos. (Bhelle Gamboa)