Puno bumagsak sa mga barong-barong sa Maynila; 3 patay, higit 10 ang sugatan
Tatlo ang nasawi habang mahigit 10 pa ang naitalang sugatan ng mabagsakan ng malaking puno ang ilang bahay sa Estero De Magdalena sa Recto kanto ng Benavidez sa Maynila.
Pawang na-trap sa nabagsakang mga bahay ang mga biktima sa Brgy. 297.
Kabilang sa rumesponde sa insidente ang mga tauhan ng Manila Disaster Risk Reduction and Management Office, Philippine Red Cross, Bureau of Fire Protection (BFP) at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Kinilala ng mga otoridad ang nasawi na sina Edcel Lansiola, 42-anyos; John Mark Portillo, 2 taong gulang; at Jomar Portillo, 28-anyos.
Ang mag-amang Jomar at John Mark, magkayakap pa ng makita ng mga rescuer.
Ayon sa mga otoridad, mahigit sampu din ang naitalang sugatan at karamihan sa kanila ay pawang nilapatan ng lunas ng mga rumespondeng ambulansya.
Ayon sa Manila DRRMO, nangyari ang insidente pasado 3:00 ng madaling araw ng Huwebes (May 18).
Isa-isang nailabas sa nadaganang mga bahay ang mga biktima pasado 7:00 ng umaga.
Tiniyak naman ng Manila Department of Social Welfare na bibigyan ng tulong ang mga biktima at kanilang pamilya. (DDC)