Paggamit ng paint brush sa mga itinitindang BBQ ikinabahala ng toxic watchdog group
Nabahala ang grupong BAN Toxics sa patuloy na paggamit ng paint brush ng mga nagtitinda ng barbecue sa pag-apply ng sauce sa kanilang mga ibinebentang pagkain.
Nagsagawa ng on-site monitoring ang BAN Toxics sa mga nagtitinda ng ihaw-ihaw sa kalye at nadiskubre may mga vendor pa rin na gumagamit ng paint brush.
Sa ginawang chemical screening ng grupo, ang paint brushes ay nagtataglay ng lead ng hanggang 2,989 parts per million (ppm) na lagpas sa threshold limit na 90 ppm na pinapayagan batay sa Chemical Control Order ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).
Ayon kay Thony Dizon, Toxics Campaigner ng BAN Toxics, ang paint brushes ay ginagamit sa pagpipintura at hindi dapat gamitin sa food preparation.
Ang handle ng paint brush ay maaaring maka-kontamina sa pagkain na ginagamitan nito.
Ayon sa World Health Organization (WHO), ang lead exposure ay maaring magdulot ng hindi maganda sa kalusugan ng mga bata.
May long-term harm din ito sa mga nakatatanda kabilang ang pagiging risk sa high blood pressure at kidney damage.
Kung malalantad naman sa lead ang buntis, ay maaari itong magdulot ng miscarriage, stillbirth, premature birth o low birth weight. (DDC)