Bagong presyo ng mga produktong sigarilyo at vape inilabas ng BIR
Nagpalabas ng adjusted na presyo ang Bureau of Internal Revenue para sa mga produktong sigarilyo, tobacco, vape, vaporized nicotine at non-nicotine products.
Ito ay base sa bagong tax updates para sa regulasyon ng nasabing mga produkto.
Ayon kay Commissioner Romeo “Jun” Lumagui Jr., sa memorandum circular ng BIR, ang bagong floor price para sa isang pakete ng sigarilyo ay P114.60 na habang ang isang ream ay P1,146.
Ang minimum na presyo ng kada pakete ng heated tobacco ay P120.40 na.
Para naman sa mga vapor products, sinabi ng BIR na ang bawat pod ng nicotine salt ay dapat ibenta ng P200 para sa 2ml at P354.97 ang 4ml.
Ang bote naman ng conventional freebase o classic nicotine ay P128.20 ang 10ml at P403.20 ang 30ml.
Babala ni Lumagui sa mga establisyimento, hindi dapat ibenta ang mga produkto ng mas mababa sa itinakdang mga presyo.
Ayon sa BIR chief, kung mayroong mag-aalok ng mas mababa sa nasabing mga halaga ay maaaring hindi nagbabayad ng tamang buwis ang establisyimento at maaaring sila ay illegal traders. (DDC)