22 crew kabilang ang 5 Pinoy pinaghahanap matapos tumaob ang sinasakyang Chinese Fishing Vessel
Kinumpirma ni Chinese Ambassador the Philippines Huang Xilian, na may limang Pinoy na kabilang sa mga nawawalang crew ng tumaob na Chinese fishing vessel malapit sa Maldives.
Ayon sa Philippine Coast Guard (PCG) ang Lu Peng Yuan Yu 028 ay tumaob sa layong 2,900 milya sa hilagang kanluran ng Australia.
Ayon kay Huang, maliban sa 5 Pinoy na nawawala, ay mayroon ding pinaghahanap na 17 Chinese crew.
Iniutos na aniya ni Chinese President Xi Jinping ang pag-activate sa emergency response mechanism, pag-beripika sa sitwasyon at pagpapadala ng mas marami pang rescue forces.
Dumating na rin sa lugar na pinangyarihan ng insidente ang dalawang Chinese vessels para tumulong sa search and rescue operations.
Ayon kay Huang, patuloy ang ugnayan ng Chinese Embassy sa Department of Foreign Affairs (DFA), Philippine Coast Guard (PCG) at iba pang ahensya hinggil sa naturang maritime incident. (DDC)