Online renewal ng rehistro papayagan na din sa mga PUV
Target ng Land Transportation Office (LTO) na isama na din ang mga PUV sa implementasyon ng online plain renewal ng rehistro.
Kasunod ito ng matagumpay na paglunsad ng online renewal registration para sa mga pribadong sasakyan nuong Pebrero.
Ayon kay LTO Chief Jayart Tugade, patuloy ag pakikipag-ugnayan ng ahensya sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board – LTFRB hinggil sa online renewal registration ng mga PUV sa pamamagitan ng Land Transportation Management System (LTMS) portal.
Ani Tugade, nakipagpulong na ang LTO sa LTFRB para sa pagkakaroon ng interconnectivity at ma-access ang mga certificate of public convenience o CPC.
Idinagdag ng LTO Chief na ang online renewal ng rehistro ng mga PUV ay hindi lamang magdudulot ng ginhawa sa pagproseso ng mga operator kundi makakatulong din upang hindi na tangkilikin ang alok na serbisyo ng mga fixer at mai-alis sa lansangan ang mga non-roadworthy na sasakyan. (DDC)