3 taong bisa ng rehistro sa mga motorsiklong may makinang 200cc pababa umarangkada na
Nagsimula nang magproseso ang Land Transportation Office (LTO) ng rehistro ng mga bagong motorsiklo na may makinang 200cc pababa na ngayon ay mayroon nang tatlong taong bisa o validity.
Mahigit 1,000 motorsiklo na may engine displacement na 200cc pababa ang nairehistro sa Land Transportation Management System (LTMS) sa unang araw ng pag-iral ng Memorandum Circular ng LTO.
Ayon kay Land Transportation Office (LTO) Chief Jay Art Tugade, bahagi ito ng pagsisikap ng ahensya na maging magaan para sa publiko ang pagproseso at mga transaksyon sa ahensya.
Noong nakaraang buwan inanunsyo ng LTO ang nasabing polisiya at nakatanggap ito ng mga positibong komento mula sa mga motorista.
Nauna nang ipinahayag ni Tugade na kumbinsido ang ahensya sa roadworthiness ng mga brand new motorcycle na may engine displacement na 200cc pababa at makatwirang ipatupad ang initial registration na may tatlong taong bisa.
Alinsunod sa dating polisiya, ang mga brand new motorcycle lang na may engine displacement na 201cc pataas ang kuwalipikado para sa tatlong taong bisa ng initial registration. (DDC)