Mid-year bonus ng mga empleyado ng gobyerno matatanggap na simula May 15
Simula sa araw ng Lunes, May 15 ay makatatanggap na ng mid-year bonus ang mga empleyado ng gobyerno.
Pinaalalahanan ni Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah F. Pangandaman ang mga ahensya ng gobyerno na tiyakin ang agad na pagpapalabas ng bonus ng kanilang mga empleyado.
Ang mid-year bonus ay katumbas ng one-month basic pay at ibibigay sa mga entitled personnel na nakapanilbihan na ng at least 4 months.
Ang mid-year bonus ay ibibigay sa lahat ng civilian personnel, regular, casual o contractual, appointive o elective, full-time o part-time.
Kabilang sa makatatanggap nito ang mga empleyado ng gobyerno na nasa Executive, Legislative, at Judicial branches, Constitutional Commissions at iba pang Constitutional Offices, State Universities and Colleges (SUCs), at Government-Owned or -Controlled Corporations (GOCCs) gayundin ang mga nasa local government units (LGUs).
Kasama ding makatatanggap ng nasabing bonus ang mga military personnel ng Armed Forces of the Philippines sa ilalim ng Department of National Defense at uniformed personnel ng Philippine National Police, Philippine Public Safety College, Bureau of Fire Protection, Bureau of Jail Management and Penology sa ilalim ng Department of Interior and Local Government, Bureau of Corrections sa ilalim ng Department of Justice, Philippine Coast Guard sa ilalim ng Department of Transportation, at National Mapping and Resource Information Authority sa ilalim ng Department of Environment and Natural Resources. (DDC)