Pangulong Marcos nakabalik na ng bansa matapos dumalo sa 42nd ASEAN Summit
Nakabalik na sa bansa si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. matapos ang paglahok sa 42nd na ASEAN Summit na ginanap sa Labuan Bajo, Indonesia.
Sa nasabing pagtitipon, ibinahagi ng pangulo ang kahalagahan ng pagtutulungan ng mga kasaping bansa tungo sa pagpapanatili ng kaunlaran at kapayapaan sa rehiyon.
Inilahad ng pangulo ang pakikiisa ng Pilipinas sa iba’t ibang hangarin ng ASEAN at mga external partner nito sa pagpapayabong ng malayang kalakalan, pagsusuporta sa mga “Nano businesses” at MSMEs, pagsisiguro ng suplay ng pagkain at enerhiya, at ang pagtugon sa epekto ng climate change.
Binigyang-diin din ni Pangulong Marcos ang mapayapang pagresolba sa isyu sa West Philippine Sea batay sa 1982 UNCLOS, at nagpasalamat din kay Indonesian President Joko Widodo para sa mainit na pagtanggap sa delegasyon ng bansa. (DDC)