LTO magbibigay ng libreng theoretical driving course sa buong bansa
Magsasagawa ang Land Transportation Office (LTO) ng malawakan at libreng theoretical driving course (TDC) para sa mga pre-registered na student driver applicant sa Mayo 11 at 12.
Layunin nitong paigtingin ang pagsusulong ng kaligtasan sa mga lansangan at pagtitiyak na matatawag na roadworthy ang mga bibiyaheng sasakyan.
Ang inisiyatibong ito ay kasabay na ng pagdiriwang ng ika-111 anibersaryo ng pagkakatatag ng ahensiya.
Ipinahayag ni LTO Chief Jayart Tugade na layon ng complimentary TDC program na magbigay ng oportunidad para sa mga Pilipinong walang kakayahang magbayad para sa aplikasyon ng student permit at makakuha ng mahalagang edukasyon sa pagmamaneho.
Kasunod ng hakbang na ito ay ang regular o buwanan nang pagdaraos ng libreng TDC sa lahat ng mga tanggapan ng LTO sa buong bansa bilang bahagi pa rin ng pagsisikap ng ahensya na makahubog ng mga iskolar sa driving education.
Batid ni Tugade na maraming Pilipino ang nais matuto o mahasa sa pagmamaneho upang magamit ang kakayahan sa hanapbuhay.
Kaugnay nito, muling binigyang-diin ni Tugade na makabubuting sa mga opisina ng LTO makipagtransaksyon para sa aplikasyon ng student permit at hindi sa mga fixer. (DDC)