Personnel at PDLs sa penal farm sa Zamboanga City pinaiimbestigahan ni Catapang
Iniutos ni Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gregorio Pio P. Catapang sa liderato ng San Ramon Prison and Penal Farm (SRPPF) sa Zamboanga City na magsagawa ng masusing imbestigasyon upang matukoy kung mga tauhan nila at persons deprived of liberty (PDLs) ang isinasangkot sa pagbebenta at paggamit ng ilegal na droga sa loob ng naturang penal farm.
Ang kautusan ni Catapang ay matapos magpositibo umano sa paggamit ng droga si Aharayam Jaidi, 64-anyos, maybahay ng isang PDLs na naaresto nang tangkaing ipuslit ang 2.7 gramo ng ‘shabu’ na nagkakahalaga ng P18,000 na nakalagay sa tatlong pakete at itinago sa kanyang bra at underwear makaraang dalawin ang kanyang mister.
Itinurn-over ang suspek sa Zamboanga Police Station para imbestigahan at sampahan ng kaukulang kaso.
Nilinae pa ni Catapang na ang visitation rights o prebilehiyo sa pagdalaw sa nasabing penal farm ay hindi suspendido para sa isang linggo subalit napaulat na nakansela noong Sabado upang bigyang-daan ang imbestigasyon at follow-up sa insidente.
Pinuri naman ng BuCor chief ang babaeng guwardiya ng SRPPF na hindi na binanggit ang pangalan para sa kanyang seguridad, dahilan upang mapigilang pagpuslit ng umano’y ilrgal na droga.
Sa isinumiteng report kay Catapang ni SRPPF Superintendent C/Supt. Vic Domingo F. Suyat na naghinala sila na nakakapasok ang ilegal na droga sa loob ng penal farm matapos mahuli ng cell leader ang apat na PDLs na bumabatak o nagpapot session sa kanilang selda dakong 7:30 ng gabi nitong May 5.
Dahil dito agad inutos ng mga opisyal ng SRPPF na isailalim sa drug test ang walong PDLs na magkakasama sa selda kung saan pito rito kasama ang mister ng suspek na si Jaidi ang nagpositibo sa paggamit ng droga.
Inilagay sa preventive cell ang naturang 7 PDLs hanggang dalawang buwan habang suspendido ng isang taon ang kanilang good conduct and time allowance (GCTA) ayon kay Suyat.
Sa ilalim ng Republic Act 10592 o GCTA law, pinapayagan ang mga convicts na maagang palayain base sa pagpapababa ng sentensiya ng PDLs depende kung sila ay maayos na sumusunod sa panuntunan at alituntunin sa loob ng alin mang penal institution, rehabilitation, o detention center. (Bhelle Gamboa)