Digital Driver’s License ilulunsad ng LTO at DICT

Digital Driver’s License ilulunsad ng LTO at DICT

Nakatakdang ilunsad ng Land Transportation Office (LTO) at ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ang online o electronic na bersyon ng driver’s license sa bansa.

Ito ay bilang pagsunod sa atas ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. na ipatupad ang digitalization sa mga ahensya ng gobyerno.

Ayon kay LTO Chief Jayart Tugade, ang digital driver’s license ang magsisilbing alternatibo sa pisikal na license card at maaari itong ma-access o makita sa isang “super app” na nilikha ng DICT.

Maaari din itong ipresenta ng mga driver kapag naharang sila ng law enforcement officers kung sila ay may violation.

Ang pagpapakita ng electronic driver’s license ay katumbas na din ng pagpapakita ng physical driver’s license.

Ipinunto pa ni Tugade na may mapagpipilian na rin ang publiko mula sa paggamit ng papel na Official Receipt (OR) bilang pansamantalang driver’s license sa gitna ng kinakapos nang suplay ng plastic cards.

Maliban sa digital na driver’s license, sinabi ng LTO Chief na maaaring magamit ng publiko ang “super app” para sa iba’t-ibang transaksyon sa ahensya tulad ng license registration at renewal gayundin ang online payments.

Kaugnay naman ng usapin ng seguridad, nabatid mula kay Tugade na ang ginagamit na security features ng pisikal na driver’s license ay kasama na rin sa digital na bersyon nito, maliban pa sa sariling security measures ng “super app.”

Binigyang-diin ni Tugade na ang e-governance partnership sa pagitan ng LTO at DICT ay patunay lamang na seryoso ang ahensya na itulak ang digitalization sa mga transaksyon at serbisyo nito.

Nuong Marso ay pormal na pumasok ang LTO at DICT sa isang e-governance partnership na layong magkaroon ng pagtutulungan tungo sa pagpapabuti at pagpapalakas ng digitalization ng mga sistema at proseso sa ahensya para sa pangkahalatang kahusayan at epektibong serbisyo sa publiko. (DDC)

 

 

 

 

 

 

 

newsflashph

newsflashph

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *