Paglilinis sa mga baybayin ng Oriental Mindoro na naapektuhan ng oil spill nagpapatuloy
Patuloy ang pagtaas ng clean-up rate sa mga baybayin sa Oriental Mindoro na naapektuhan ng oil spill.
Ayon sa Philippine Coast Guard (PCG), nasa 85.41% na ang shoreline clean-up percentage sa bayan ng Pola.
Maituturing na itong “acceptably cleaned” ayon sa PCG.
Habang nasa 74.82% naman ang clean-up rate sa bayan ng Naujan.
Sa inilabas na Shoreline Clean-up Accomplishment Report nakasaad na umabot na sa 29.13 kilometers ang haba ng nalinis ng Incident Management Team (IMT)-Oriental Mindoro mula sa labingisang oil spill-impacted barangays sa Pola at 5.3 kilometers naman sa dalawang lugar sa Naujan.
Ang mga barangay Misong, Tiguihan, Zone 1 at Zone 2 sa Pola ay nananatiling 100% “acceptably clean”.
Nagpasalamat si IMT Oriental Mindoro Incident Commander, CG Commodore Geronimo Tuvilla sa lahat ng tumutulong sa clean-up operation.
Kabilang dito ang mga Marine Science Technician ng Coast Guard, Department of Social Welfare and Development (DSWD), Harbor Star Shipping Services Inc. at iba pang volunteers.
Hanggang noong May 4 ay nakalikom na ng 6,070 na sako ng oil-contaminated debris sa Oriental Mindoro. (DDC)