Pagsusulit para sa mga kukuha ng driver’s license paiiksiin ng LTO

Pagsusulit para sa mga kukuha ng driver’s license paiiksiin ng LTO

Babawasan ng Land Transportation Office (LTO) ang pagsusulit para sa mga kumukuha ng Driver’s License.

Bahagi ito ng aktibong paghahanap ng solusyon ng LTO para maging mas simple ang mga proseso sa ahensya upang masawata ang mga fixer.

Ayon sa LTO, kabilang sa mga pinag-aaralan ngayon ay posibilidad na paigsiin ang pagsusulit para sa mga kukuha ng lisensya ng pagmamaneho.

Aminado si LTO Chief Jayart Tugade na ang mahaba at matagal na proseso sa ahensya ay isa sa mga dahilan kaya’t ang ilang aplikante ay natutukso sa alok na serbisyo ng mga fixer.

Nabatid ni Tugade na ang kasalukuyang pagsusulit para sa kumuha ng lisensya sa pagmamaneho ay inaabot ng isang oras.

Dahil dito, iniutos ni LTO Chief Tugade ang pagbuo ng komite na susuri sa hanay ng mga tanong sa exams at kung maaari ay mapaigsi ito nang hindi nakokompromiso ang kalidad ng driver na makakapasa.

“The instruction I gave to our committee was to compress the exam. This exam reportedly takes about an hour. The agency is now studying how to shorten the exam. I believe that by reducing the exam duration, our applicants will not seek out fixers and will opt to take the exam themselves,” ayon kay Tugade.

Kabilang sa mga pinag-aaralang pagsusulit ay para sa mga bagong kumukuha ng non-professional license at conductor’s license, pinababagong klasipikasyon mula non-professional tungong professional driver’s license, at pagdaragdag ng driver’s license code.

Maliban sa mas maiksing oras ng pagsusulit ay inaaral na rin ng komite na gawing “customized” ang mga tanong, depende sa klasipikasyon ng lisensya o driver’s license code na kinukuha ng aplikante. (DDC)

 

 

 

 

 

 

newsflashph

newsflashph

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *