“No face mask, No entry” policy ipinatutupad ng BuCor; 55 PDLs nagpositibo sa COVID-19
Ipinapatupad na simula araw ng Huwebes, May 4 ng Bureau of Corrections (BuCor) ang minimum health standard protocol na “No face mask, No entry” sa New Bilibid Prison (NBP) at Correctional Institution for Women (CIW).
Sa inisyung memorandum ni BuCor Dir. Gen. Gregorio Pio Catapang, Jr. ang lahat ng may transaksiyon sa mga opisina ng BuCor at NBP-National Head Quarters ay obligadong magsuot ng facemask at magpakita ng pinakabagong resulta ng Rapid Antigen Test.
Sa 577 na persons deprived of liberty (PDLs) na sumailalim sa COVID-19 rapid antigen test ay umabot sa 55 PDLs ang nagpositibo sa virus.
Sa nasabing bilang, 30 ang may mild symptoms at 22 naman ang asymptomatic.
Mayroon ding isang tauhan ng BuCor ang nagpositibo rin sa COVID-19.
Ayon kay Dra. Ma. Cecilia Villanueva, Acting Director ng BuCor Health and Services, ang mga asymptomatic ay sasailalim muli sa rapid antigen test at kung negatibo na ay papayagan na silang makalabas sa isolation ward.
Wala naman ng iba pang napaulat na COVID-19 cases sa ibang penal and prison farm sa bansa ayon kay Dra. Villanueva. (Bhelle Gamboa)