‘Drug dealer’ arestado sa P2.2M na ‘shabu’ sa Parañaque
Isa sa dalawang pinaghihinalaang drug dealer ang naaresto ng mga tauhan ng Parañaque City Police Station Drug Enforcement Unit at nasamsam ang 325 na gramo ng umano’y shabu na nagkakahalaga ng ₱2,210,000 sa isinagawang buy-bust operation sa lungsod.
Kinilala ng otoridad ang naarestong suspek na si Mohn Chandumal Jiwatramani, 64-anyos habang nakatakas naman ang suspek na si Efren John Frac, kilala sa tawag na alyas Zeth.
Ikinasa ng mga operatiba ang buy-bust operation sa Gadiola St., Tramo Uno, Brgy. San Dionisio, Parañaque City na nagresulta ng pagkakaaresto ni Jiwatramani at nakumpiska ang umano’y ilegal na droga, drug paraphernalia, buy bust money, itim na timbangan, belt bag at identification card (ID) ng suspek.
Itinurn-over ang nga ebidensiya sa Southern Police District Forensic Unit (SPDFU) para isailalim sa quantitative at qualitative analysis.
Mahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang suspek sa pamamagitan ng inquest proceedings sa Parañaque Prosecutor’s Office. (Bhelle Gamboa)