Mga alkalde sa bansa inatasang maghanda at tugunan ang matinding epekto ng El Niño
Matapos mag-isyu ng El Niño alert ang PAGASA na nagsasabing maaaring mas titindi pa ang epekto nito sa susunod na tatlong buwan hanggang first quarter ng 2024, nagpalabas ng isang memorandum circular si Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Atty. Benjamin “Benhur” Abalos, Jr. na nag-aatas sa lahat ng local chief executives (LCEs) o alkalde na panatilihin ang mga hakbang na magpapagaan sa mga epekto nito at umaksiyon sa kani-kanilang nasasakupang lugar.
Kabilang sa mitigation efforts ang agarang pag-amyenda ng mga ordinansa na magreresolba sa illegal connections at manghikayat na iwasan ang walang pakundangan paggamit ng tubig; pagpapahintulot sa water concessionaires at water utilities na magsagawa ng emergency leak repairs; pagbawi sa aplikasyon ng number coding schemes sa mga water tankers na ginagamit ng water concessionaires upang mabilis na tugunan ang kinakailangang suplay ng tubig ng mga apektadong customers; pagpapatupad at pag-update ng umiiral na contingency plans na may kinalaman sa El Niño; at stockpiling ng relief goods (food and non-food items) para sa agarang relief assistance.
Inaatasan din ang mga alkalde na magsagawa ng malawakang information, education, and communication campaigns sa mga komunidad patungkol sa pagsusuri at mabilis na pagkukumpuni sa mga tagas ng tubig,pagpapalawak ng kapasidad sa pagkuha ng tubig-ulan at storage; pagpapatupad ng water conservation measures; pagtatakda ng temperatura sa air-conditioning units sa pagitan ng 22 degrees Celsius hanggang 25 degrees Celsius.
Binigyang- halaga rin ni Abalos ang ganitong mga hakbang ng paghahanda upang mabawasan ang matinding epekto ng phenomenon sa larangan ng agrikultura,water resources, marine resources, human health, at environment, bilang kabuuan.
“Conserving water is one of the key actions needed to be taken to mitigate effects of El Niño and as public servants, we must set an example. These precautionary steps, albeit small, can make a big difference that can affect our communities,” sabi ng DILG Chief.
Sa naturang memorandum circular ay nakalista ang water conservation tips, gaya ng mga sumusunod:
1. Isara ang gripo habang nagsisipilyo at sa halip gumamit ng baso.
2. Alisin ang lahat ng tirang pagkain bago maghugas ng mga plato.Hugasan ang mga ito sa maliit na palanggana. Ipunin at gamitin muli ang pinagbanlawang tubig at gawing pambuhos sa kubeta.
3. Mag-ipon at muling gamitin ang tubig na pinaglabhan sa paglilinis ng sahig , pagbuhos sa kubeta at iba pa.
4. Diligan ang mga halaman sa umaga o sa hapon para kaunti lamang ang evaporation.
5. Huwag gamitin ang hose sa paglilinis ng sasakyan sa halip gumamit ng basahan at timba.
6. Gumamit din ng water-efficient gadgets gaya ng high-pressure, low-volume hoses at showerheads, mga gripo na may aerators at double-flush toilets.
Panawagan sa mga LCEs na makipag-ugnayan sa Department of Agriculture regional offices para sa pagsasagawa ng cloud seeding operations, implementasyon ng rotational irrigation scheme and water-saving technology; mga lugar na dapat lagyan ng irigasyon at paggamit muli ng wastewater mula sa drainage canals; paggamit ng solar pump irrigation; adapting drought-resistant and early-maturing seed varieties; at pag-adjust sa cropping calendar.
Sinabihan din ni Abalos ang Bureau of Fire Protection na iwasang kumuha ng hindi kinakailangang tubig mula sa mga fire hydrants at gamitin lamang aniya ito sa pag-aapula ng mga sunog. (Bhelle Gamboa)