Mga opisyal at empleyado ng PNR, LRT at MRT na makararanas ng sintomas, sasailalim sa mandatory COVID-19 test
Inatasan ng Department of Transportation (DOTr) ang pamunuan ng mga rail systems na paigtingin ang kanilang ipinatutupad na mga hakbang laban sa COVID-19.
Bunsod ito ng patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa bansa.
Pinaalalahanan ni DOTr Assistant Secretary for Railways Jorjette B. Aquino ang operators ng Light Rail Transit (LRT), Metro Rail Transit (MRT) at Philippine National Railways (PNR) na mahigpit na ipatupad ang pagpapasuot ng face masks sa lahat ng tren at mga istasyon.
Lahat ng opisyal, empleyado at tauhan ng rail sector ay kailangan ding isailalim sa mandatory COVID-19 testing sa sandaling makaranas ng sintomas.
Tiniyak din ng DOTr na pananatilihin ang disinfection sa lahat ng mga tren at istasyon.
Kamakailan nakapagtala ang Department of Health (DOH) ng 42% na pagtaas sa kaso ng COVID-19.
Ayon sa DOH, ang average daily cases ng COVID-19 cases ay 637 kada araw noong huling Linggo ng Abril. (DDC)