Las Piñas LGU nagkaloob ng mga titulo ng lupa sa 200 na pamilya
Ipinagkaloob na ng Pamahalaang Lokal ng Las Piñas City ang mga titulo ng lupa para sa 200 na pamilya na benepisyaryo sa proyektong pabahay sa lungsod.
Pinangunahan ni Vice Mayor April Aguilar ang pamamahagi ng titulo ng lupa para sa mga pamilyang Las Pinero sa ginanap na simpleng seremonya na may temang “Kalayaan sa Kahirapan Sariling Lupa Nakamtan” sa Madrigal Covered Court, Barangay Daniel Fajardo dakong alas-9:00 ng umaga ng Abril 27.
Nasa kabuuang 5,834 square meters o metro kuwadradong lupa na pag-aari ng Department of Environment and National Resources (DENR) kasama na rito ang 26 na lote na nasa pangalan ng Las Piñas LGU ang idinonate at hinati-hati para sa mga benepisyaryong pamilya ng Villa Coastal Neighborhood Association Housing Project.
Napaiyak sa labis na kagalakan ang maraming benepisyaryo nang tanggapin ang kani-kanilang sariling titulo ng lupa na sa wakas ay ganap na nilang matatamasa ang pagmamay-ari sa inookupahang mga lote simula pa noong 1990.
Binigyang-importansiya ng bise-alkalde ang pagkakaroon ng sariling lupa na paraan upang mabawasan ang kahirapan at maging maayos ang kondisyon ng pamumuhay.
Dumalo rin sa seremonya sina Councilors John Jess Bustamante, Henry Medina, Mark Anthony Santos, Barangay Chairman Roberto Cristobal at HOA president Josefina Arevalo. (Bhelle Gamboa)