Mahigit 100 barko ng China namataan sa West PH Sea
Mahigit 100 barko ng China ang namataan sa isinagawang pitong araw na maritime patrol ng Philippine Coast Guard (PCG) sa West Philippine Sea.
Simula April 18 hanggang 24, 2023, idineploy ng PCG ang BRP Malapascua (MRRV-4402) at BRP Malabrigo (MRRV-4403) para magpatrulya sa Sabina Shoal, Iroquis Reef, Lawak, Patag, Likas, Parola, Pag-asa, Tizzard Bank, Julian Felipe Reef, at Ayungin Shoal.
Sa kasagsagan ng misyon, namataan ng PCG ang mahigit isangdaan na Chinese Maritime Militia vessels, isang People’s Liberation Army Navy corvette class at dalawang China Coast Guard vessels.
Labingwalo (18) sa Chinese maritime militia vessels ay namataan malapit sa Sabina Shoal.
Sa kabila ng paulit-ulit na radio challenges ng dalawang barko ng Coast Guard, hindi tumugon ang CMM at hindi umalis sa lugar.
Apat (4) pang CMM vessels ang matagumpay namang naitaboy ng PCG matapos maktiang nagsasagawa ng fishing activities sa Pag-asa Island.
Mayroon ding labingpitong CMM ang nakita sa bisinidad ng Julian Felipe Reef.
Nag-deploy pa ang PCG ng Rigid Hull Inflatable Boats (RHIB) para itaboy ang malalaking barko ng China pero hindi nagpatinag ang mga ito.
Noong April 21, 2023, isang Chinese People’s Liberation Army (PLA) Navy vessel na mayroong bow number 549 ang namataan din ng PCG.
Ang mga insidente sa loob ng pitong araw na pagpapatrol ay naisumite na ng PCG sa National Task Force West Philippine Sea (NTFWPS). (DDC)