“No Plate No Travel Policy” iiral pa rin sa gitna ng kakapusan sa suplay ng plaka ng sasakyan
Sinabi ng Land Transportation Office (LTO) na iiral pa rin ang “No Plate No Travel Policy” sa gitna ng mararanasang kakapusan sa suplay ng plaka ng mga sasakyan.
Sa pagtaya ng LTO, maaaring hanggang sa Hunyo na lamang aabot ang suplay ng plaka na para sa mga motorsiklo at hanggang Hulyo na lamang ang suplay ng plaka para sa mga motor vehicle.
Ipinaliwanag ni LTO chief Jayart Tugade na para sa mga bagong sasakyan, paglabas ng casa ang mga motor vehicle ay mayroong conduction sticker na galing mismo sa casa.
Sa conduction sticker, dapat nakasaad ang rehiyon kung saan nabili ang sasakyan at pangalan ng dealer.
Para naman sa mga motorsiklo, kung bagong bili ay dapat mayroon itong MV file number.
Sa mga lumang sasakyan na mawawalan ng plaka, mananakawan, o masisira ang plaka sakaling maaksidente, maaaring magtungo sa LTO para humingi ng “authorization to use an improvised plate”.
Ipoproseso naman ng LTO ang paggawa ng kanilang bagong plaka, pero habang hinihintay ito, maaari munang gumamit ng improvised plate at dapat laging dala-dala ang authorization mula sa LTO kapag gagamitin ang sasakyan.
Sinabi ni Tugade na mahigpit na ipinagbabawal ang DIY plates. (DDC)