Salvage operations sa sumadsad na barko ng Chinese Bulk Carrier sa Eastern Samar sisimulan ngayong araw
Uumpisahan ngayong araw ang salvage operations sa isang Chinese-flagged bulk carrier na sumadsad sa baybaying sakop ng Guiuan, Eastern Samar.
Ayon sa Philippine Coast Guard darating ngayong araw ang salvage team galing Singapore para maisagawa ang operasyon.
Ang MV ZHE HAI 168 ay sumadsad sa baybayin ng Barangay Sulangan sa Guiuan noong Apr. 18.
Lulan nito ang 20 Chinese crew at may kargang nickel ore galing sa Homonhon Island, Eastern Samar na dadalhin sana sa Caofeidian (China).
Sa isasagawang salvage operations ililipat muna ang mga laman ng barko sa isang barge.
Ang Coast Guard Sub-Station Guiuan ang mamamahala sa salvage operations at maglalatag ng oil spill booms para matiyak na hindi magkakaroon ng pagkalat ng langis.
Kapag naialis na ang bulk carrier magsasagawa muli ang PCG ng hull assessment.
Magsasagawa naman ang DENR-EMB divers ng evaluation sa kondisyon ng mga coral at marine protected area sa lugar kung saan sumadsad ang barko. (DDC)