Fishing ban sa mga munisipalidad sa Oriental Mindoro na apektado ng oil spill mananatili ayon sa BFAR
Inirekomenda ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na panatilihin ang umiiral na fishing bans sa mga oil spill-hit municipalities sa Oriental Mindoro.
Ito ay makaraang lumitaw sa isinagawang pagsusuri ng BFAR na hindi tiyak kung litas kainin ang mga pagkaing dagat mula sa mga lugar na naapektuhan ng oil spill.
Kabilang sa pagsusuri na ginagawa ng BFAR ang pagsukat sa contaminant levels sa seafood samples sa mga apektadong munisipalidad para matukoy kung ang mga isda, seaweeds, at iba pang marine organisms ay ligtas nang kainin.
Tiniyak naman ng ahensya na patuloy ang pagtulong sa mga apektadong mangingisda sa lugar.
Samantala, sa Caluya, Antique naman, pumasa na sa DENR standard ang lahat ng water samples na nakulekta noong March 28.
Ang fish samples na kinulekta sa Caluya noong April 11 ay hindi na rin nakitaan ng oil tainting.
Dahil dito, inirekomenda ng DA-BFAR na payagan na muli ang fishing activities sa labas ng reef zone sa mga lugar ng Sitio Sabang, Barangay Tinogboc, Sitio Sigayan, Sitio Toong, Barangay Semirara, Sitio Liwagao, at Barangay Sibolo.
Gayunman, bawal pa rin ang pagkuha ng shellfish gathering at seaweed sa mga apektadong lugar. (DDC)