35 miyembro ng MNLF arestado sa San Mateo, Rizal
Inaresto ng pinagsanib-pwersa ng AFP at PNP ang 35 katao na nagpakilalang mga miyembro ng Moro National Liberation Front (MNLF) sa San Mateo, Rizal.
Sa ulat ng Philippine Army (PA), ikinasa ang operasyon sa Upper Patiis sa Barangay Guinayang.
Naaresto ng mga tauhan ng Rizal Police Provincial Office at 80th Infantry Battalion ang siyam na babae at 26 na lalaki.
Nakumpiska sa kanila ang iba’t ibang mga baril at mga bala kabilang ang .45 caliber pistol na may dalawang magazines at 18 bala, Shooters .45 caliber pistol na may apat na magazines at 22 bullets, apat na shotgun, limang hand-held communication radios, jungle knife, at mga military-type uniforms.
Ayon sa Philippine Army ang mga naaresto ay mahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act No. 11332 o ang Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act, at paglabag sa R.A. 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.