Illegal recruiter, arestado sa loob mismo ng DMW
Naaresto ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation – Anti-Organized & Transnational Crime Division (NBI-AOTCD) ang illegal recruiter na si Luzviminda Lucena Panzuelo matapos itong makilala ng kanyang biktima na si alyas “Jenny” habang kumukuha ito ng certification sa Department of Migrant Workers (DMW).
Nabatid na ang nasabing suspek ay walang authority mag-alok ng trabaho abroad.
Walang kaukulang lisensya mula sa DMW upang mag-recruit si Panzuelo para sa mga nais magtrabaho sa abroad.
Modus ng suspek ang manghikayat ng mga magtatrabaho sa Canada at kinakailangan lang umano nilang magbigay ng P189,000 bawat isa bilang “processing fee” para sa mga “garantisadong” trabaho bilang office at factory worker sa Coca Cola Company.
Napag-alaman na nag-ugat ang pag-aresto matapos mamukhaan ni “Jenny” ang akusado habang ito ay nasa DMW Migrant Workers Protection Bureau (DMW-MWPB) para humingi ng legal advice hinggil sa pagsasampa nito ng kasong illegal recruitment at para makipag-ugnayan sa NBI-AOTCD.
Ayon sa NBI-AOTCD, mayroong kinakaharap na tatlong kaso ng estafa si Panzuelo sa Metropolitan Trial Court ng Caloocan City kung kaya inihain nila ang warrant of arrest laban kay Panzuelo.
Mayroon ding nakabinbing non-bailable illegal recruitment case sa Regional Trial Court (RTC) Branch 17 sa Manila City.
Kasalukuyang nakapiit ang suspek sa NBI Taft Avenue, Manila habang inihahanda ang kasong large-scale illegal recruitment na walang kaukulang piyansa.
Kaugnay nito, hinihimok ng DMW ang mga aplikante na naloko ni Panzuelo na maghain din ng reklamo sa DMW-MWPB. (DDC)