Mga kabahayan tinupok ng apoy sa Brgy. Carmen, Calbayog City
Mahigit 100 bahay ang natupok sa sunog na sumiklab sa Brgy. Carmen, Calbayog City madaling araw ng Martes, April 18, 2023.
Ayon sa mga residente, pasado alas 2:00 ng madaling araw nang mag-umpisa ang sunog sa Purok 3 sa nabanggit na barangay.
Kuwento ng mga nakasaksi, sa isang paupahan na bahay umano nagsimula ang apoy.
Naging pahirapan ang pagpasok ng fire truck ng Bombero dahil bukod sa makitid ang daan ay may mga nakaparadang motorsiklo at mga nakahambalang mga gamit sa daan papasok sa lugar para pagpuwestuhan ng fire truck.
Dahil pawang gawa sa light materials ang mga bahay ay mabilis na kumalat ang apoy.
May mga residente na hindi na nakapagsalba pa ng kanilang gamit dahil kasagsagan ng kanilang pagtulog nang mangyari ang insidente habang ang iba naman na nakapaghakot ng kanilang gamit ay pansamantala munang pumuwesto sa bahagi ng Brgy. Payahan malapit sa himpilan ng Infinite Radio.
Rumesponde rin ang mga bombero mula sa Bayan ng Sta. Margarita, Gandara, San Jorge at Allen sa Northern Samar.
Wala namang naiulat na nasugatan o nasaktan sa sunog.
Ayon naman sa post ni City Councilor Abbie Irigon, maaring magtungo sa Convention Center o sa Sports Center ang mga pamilyang nasunugan.
Sa pagtaya ng Fire Bureau aabot sa P3 million ang halaga ng mga nasunog na ari-arian. (Ricky Brozas)