Periodic medical exam para sa mga may driver’s license inalis na ng LTO
Hindi na oobligahin ng Land Transportation Office (LTO) na sumalang sa karagdagang medical examinations ang mga may driver’s license na may bisang lima at sampung taon.
Kasunod ito ng direktiba ni LTO Chief Jay Art Tugade na amyendahan ang LTO Memorandum Circular 2021-2285 o ang Supplemental Implementing Rules and Regulations of Republic Act 10930.
Sa ilalim ng nasabing memorandum, bukod sa regular na medical examination bilang requirement sa aplikasyon ng bago o renewal ng driver’s license, obligado na sumalang sa periodic medical exam (PME) ang nabigyan ng 5-taon at 10-taong validity o bisa ng lisensya ng pagmamaneho.
Sa umiiral na panuntunan, ang periodic medical exam ng indibidwal na may driver’s license na 5-taon ang validity ay ginagawa sa ikatlong taon ng petsa ng kapanganakan mula nang makuha ang lisensya habang tuwing ika-apat at ika-pitong taon ng petsa ng kapanganakan mula ng makuha ang lisensya para sa may 10-year validity.
Ngunit ayon kay Tugade, minabuti ng ahensya na hindi na obligahin ang periodic medical examination batay na rin sa ginawang pag-aaral, mga nakalap na datos at mga konsultasyon.
Lumabas din aniya sa mga datos na ang kabiguan na sumalang sa periodic medical examination ay hindi kabilang sa mga dahilan ng aksidente sa lansangan.
Dahil dito, sa ilalim ng ipatutupad na pag-amyenda ay isang beses na lang ang mandatory medical examination at ito ay tuwing bago makakuha o makapag-renew ng driver’s license.
Para naman sa mga Pilipinong may driver’s license na nagtatrabaho o nakatira sa ibang bansa, oobligahin ang pagsasalang sa kanila sa medical examination sa loob ng tatlumpung araw mula ng dumating sa Pilipinas bago sila mapayagan na makapagmaneho. (DDC)