Pag-uusap ng Pilipinas at Saudi Govt. sa hindi bayarang sweldo at benepisyo ng 10,000 OFWs nasa final stage na
Nakausap na ni Department of Migrant Workers Sec. Susan Ople ang pamahalaan ng Saudi Arabia para sa hindi nabayarang sweldo ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) na nawalan ng trabaho dahil sa mga kumpanya na nagdeklara ng bankruptcy noong 2016.
Tinatayang 10,000 OFWs ang hindi nabayaran ng sweldo at benepisyo nang mawalan sila ng trabaho sa Saudi Arabia.
Ayon kay Ople, nasa final stages na ang pakikipag-usap sa Saudi Arabia para maplantsa ang usapin.
Nagpasalamat si Ople kay Crown Prince Mohammed Bin Salman sa concern nito sa mga naapektuhang Pinoy.
Ayon kay Ople, hiningi ng KSA government sa pamamagitan ng Ministry of Human Resources and Social Development (MHRSD) ang listahan ng claimants para maaprubahan ng binuong special committee ng Saudi government.
Hiniling ng DMW sa mga lehitimong claimants na makipag-ugnayan sa ahensya sa pamamagitan ng pagpapadala ng e-mail sa saudiclaims@dmw.gov.ph.
Sa ipadadalang e-mail, kailangang ilagay ang contact details ng OFW o ang kaniyang record of employment sa Saudi Arabia.
Bumuo ang DMW ng dedicated team para sumagot sa e-mail.
Sa May 24 nakatakdang makipagpulong si Ople sa Saudi para sa bilateral meeting hinggil sa labor concerns kabilang na ang usapin sa unpaid claims ng mga OFW.
Bago ito ay magpapadala na ng advance party ang DMW sa pangunguna ni Undersecretary Bernard Olalia para matalakay ang joint labor agreement and mechanisms sa pagbabayad ng claims. (DDC)