GSIS itinangging obligadong magtungo sa kanilang tanggapan ang mga retired members at pensioners para sa recomputation ng benefits
Nilinaw ng Government Service Insurance System o GSIS na walang katotohanan ang mga ipinakakalat na impormasyon na obligadong magpunta sa kanilang tanggapan ang mga retiradong miyembro at pensioners para sa recomputation ng benepisyo.
Nabatid ng GSIS na mayroong balitang kumakalat sa social media at sa text messages na ni-require ang mga pensioner at retired members na personal na magtungo sa GSIS office.
Ito ay para umano mag-file ng recomputation ng kanilang benefits.
Pero sinabi ng GSIS na hindi ito totoo.
Ayon sa abiso ng GSIS, ang kanilang mga miyembro at pensioners na kwalipikado sa benefit adjustment ay makatatanggap ng notification letter mula sa ahensya.
Dahil dito, hindi na kailangan pang magtungo sa kanilang mga tanggapan.
Pinaalalahanan ng GSIS ang publiko na huwag basta-basta maniwala sa mga nababasa sa social media at sa text messages. (DDC)