Lalaki nahulihan ng ‘droga’ at baril sa Pasay
Dinakip ng mga operatiba ng Pasay City Police ang isang lalaki matapos makumpiskahan ng hinihinalang shabu at baril sa kasagsagan ng buy-bust operation sa nasabing lungsod.
Kinilala ni Southern Police District (SPD) Chief, Brigadier General Kirby John Brion Kraft ang suspek na si Custer Pedro y Hipolito, alyas Jan, 30-anyos.
Sa ulat ng pulisya nagsagawa ng buy-bust operation ang mga tauhan ng Station Drug Enforcement Unit sa Humilidad St., Brgy 14, Zone 1 Pasay City.
Nasabat sa suspek ang 53 gramo ng umano’y ilegal na droga na nagkakahalaga ng
P360,400;cellphone;holster; siyam na bala; isang Taurus 9mm model G3; magazine; at buy-bust money.
Dinala ang mga ebidensiya sa SPD Forensic Unit at nabatid na ang suspek ay nasa drug watchlist ng otoridad bilang isang street-level individual.
Nasa kustodiya ng SDEU ang suspek at nakatakdang dalhin sa SDMU Custodial Facility para sa kaukulang imbestigasyon at pagsasampa ng kaso. (Bhelle Gamboa)