700 na prison guard sa Bilibid, sinibak

700 na prison guard sa Bilibid, sinibak

Inutos ni Bureau of Corrections (BuCor) Director General, General Gregorio Pio Catapang Jr. ang pagsibak sa puwesto ng aabot sa 700 na prison guards na nakatalaga sa maximum security compound ng New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City dahil sa umano’y kapabayaan sa kanilang tungkulin at pagkakasangkot ng ilan sa iregularidad.

Sinabi ng BuCor chief na sasailalim sa isang buwang training at refresher courses ang mga inalis na prison guard upang mapagbuti ang kanilang kapasidad sa pagtatrabaho at tumalima sa mga umiiral na regulasyon ng BuCor.

Bahagi ito aniya sa paglilinis at pagdidisiplina sa mga tauhan ng BuCor para sa tunay na pagbabago sa loob ng institusyon.

Itinalaga ni Catapang bilang maximum security compound Superintendent si CSInsp Purificacion P. Hari bilang kapalit ni outgoing C/CInsp Lucio C. Guevarra.

Nais aniya ng opisyal na ang bawat BuCor personnel ay disiplinado, bawal abusado at dapat asintado sa trabaho.

Ibinunyag ni Gen. Catapang base umano sa kuha ng CCTV na halos 100 sa naturang mga prison guard ay pumipirma lamang sa attendance at hindi aniya nagduduty.

Nadiskubre rin sa mga locker ng ilang prison guards ang malalaking halaga ng pera at ibang kontrabando na sinasabing pinahawak sa kanila ng mga Persons Deprived of Liberty (PDL) at binabaliktad ang mga CCTV sa paligid ng compound.

Nagtalaga naman si Gen. Catapang ng 300 na bagong prison guards na magsusuot aniya ng bodycam, walang bulsa ang mga uniporme at cellphone upang siguruhing mamonitor ang pagtatrabaho ng mga ito at sapat na ang kanilang bilang aniya para magbantay at magbigay seguridad sa loob ng maximum security compound sa NBP bilang kapalit ng mga inalis sa puwesto.

Kapag natapos ang training ng 700 na sinibak na prison guards ay itatalaga sila sa Iwahig at Sablayan Prison and Penal Farms.

Samantala sa datos ng BuCor nasa 30,259 na Persons Deprived of Liberty (PDL) ang nasa pangangalaga ng BuCor at inaasahang maililipat na sila sa mas maayos na piitan sa malawak na lupain ng Fort Magsaysay, Nueva Ecija sa 2028. (Bhelle Gamboa)

 

 

 

 

 

 

 

newsflashph

newsflashph

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *