Boulders at crater ng Mt. Apo sa Davao nakitaan ng bandalismo matapos dayuhin ng mga trekkers nitong Holy Week
Masusing binantayan ng team mula sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang Mt. Apo Natural Park (MANP) noong Holy Week.
Dinarayo ng adventure-seekers ang Mt. Apo kapag Semana Santa at marami ang umaakyat dito.
Mula Apr. 3 hanggang Apr. 10 nagsagawa ang DENR XI team ng Lenten Climb Monitoring sa established trails g MANP.
Pinangunahan ni Regional Executive Director Bagani Fidel A. Evasco ang team ng DENR.
Nagsagawa ang monitoring teams ng pagpapatrulya sa mga designated entry points, trails at campsites sa Mt Apo Natural Park.
Ito ay upang masiguro na naipatutupad ang polisya at regulasyon ng Protected Area Management Board (PAMB).
Kabilang sa tinignan ang climbing permits ng mga trekkers at ang kanilang pagsunod sa zero-waste policy.
Ayon sa DENR, sa kabuuan ng Holy Week may naobserbahan pa ring single-use plastics na iniwan sa trails ng Mt Apo.
Nakalulungkot din ayon sa DENR na ang boulders at craters nito ay nakitaan ng bandalismo.
Ito ay sa kabila ng paulit-ulit na paalala sa mga trekkers na respetuhin ang bundok. (DDC)