Pagpapaliban ng fare increase sa LRT-1 at LRT-2 iniutos ni Pang. Marcos
Inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Department of Transportation (DOTr) na ipagpaliban ang pagpapatupad ng dagdag singil sa pasahe sa LRT-1 at LRT-2.
Ayon kay Transportation Secretary Jaime Bautista, magsasagawa muna ng malalimang pag-aaral sa magiging epekto nito sa mga commuter.
Sa press briefing, sinabi ni Bautista na susunod ang DOTr sa kautusan ng pangulo at masusing pag-aaralan ang ipatutupad na dagdag pamasahe.
Sinabi ni Bautista na kasama ring ipagpapaliban ang pagtaas ng pamasahe sa MRT-3.
“In compliance with the President’s instruction, we will thoroughly study how a fare hike today will impact on passengers of our three rail lines in Metro Manila,” ayon kay Bautista.
Una nang inendorso ng Rail Regulatory Unit (RRU) ng DOTr ang report para sa fare increase sa LRT lines 1 at 2.
Taong 2015 pa huling nagtaas ng pamasahe ang LRT-2 at MRT-3.
Habang ang LRT-1 na na naisapribado noong 2015 ay naghain ng mga petisyon para sa fare adjustments noong 2016, 2018, 2020, at 2022 pero lahat ito ay hindi naipatupad. (DDC)