DOLE nagpalabas ng guidelines sa mga employer para makontrol ang heat stress sa workplaces
Nagpalabas ng alituntunin ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa mga employer sa pagpapatupad ng safety and health measures para maiwasan ang heat stress sa workplaces.
Sa inilabas na Labor Advisory ng DOLE, inaatasan ang mga employer na i-assess ang exposure ng kanilang mga empleyado sa matinding init gayundin kung ang mga ito ay mayroong existing comorbidities.
Sa ganitong pagkakataon sinabi ng DOLE na dapat tiyakin ang pagkakaroon ng epektibong ventilation at heat insulation sa workplaces.
Pinayuhan din ang mga employer na i-adjust ang rest breaks o work locations ng mga empleyado para mabawasan ang kanilang heat exposure.
Kailangan ding maglaan ng uniporme na babatay sa init ng panahon at pinaglalaan ang employer ng libreng sapat na inuming tubig sa workplaces.
Inatasan din ng DOLE ang mga employer na maging handa sa pagtugon sakaling magkaroon ng heat-related emergencies.
Iminungkahi din ng ahensya ang pag-adopt ng flexible work arrangement para malimitahan ang exposure ng empleyado sa matinding init at nakapapagod na aktibidad.
Ayon sa DOLE, maaaring i-adjust ang working hours habang nakararanas pa ng matinding init ng panahon sa bansa. (DDC)