Signal No. 1 nakataas sa 3 lugar sa bansa dahil sa Bagyong Amang
Naging ganap nang bagyo ang Low Pressure Area (LPA) na binabantayan ng PAGASA.
Ito ang kauna-unahang bagyo na nabuo sa loob ng Philippine Area of Responsibility ngayong taon.
Ang Tropical Depression Amang ay huling namataan ng PAGASA sa 475 kilometers East ng Virac, Catanduanes.
Taglay ng bagyo ang lakas ng hangin na aabot sa 45 kilometers bawat oras malapit sa gitna at pagbugso na aabot sa 55 kilometers bawat oras.
Kumikilos ang bagyo sa direksyong west northwest sa bilis na 20 kilometers bawat oras.
Nakataas ang tropical cyclone wind signal number 1 sa sumusunod na mga lugar:
LUZON
– Catanduanes
VISAYAS
– northern portion ng Eastern Samar (Taft, Can-Avid, Sulat, Dolores, Oras, Arteche, San Policarpo, Jipapad, Maslog, San Julian)
– eastern portion ng Northern Samar (Catubig, Lapinig, Gamay, Mapanas, Palapag, Laoang, San Roque, Pambujan, Mondragon)
Ayon sa PAGASA simula ngayong umaga ng Martes (Apr. 11) hanggang sa Huwebes (Apr. 13) ng gabi, makaranas malakas na pag-ulan sa Northern Samar at sa northern portions ng Samar at Eastern Samar.
Matinding pag-ulan naman ang mararanasan sa Camarines Norte at sa western portion ng Camarines Sur.
Makararanas din ng malakas na pag-ulan sa southern portion ng Quezon, nalalabi bahagi ng Bicol Region, Northern Samar at northern portions ng Samar at Eastern Samar. (DDC)