Lalaki arestado sa Makati matapos magpanggap na pulis
Sa kulungan ang bagsak ng isang 20-anyos na lalaki matapos umanong magpanggap na pulis nang sumakay sa taxi sa Makati City.
Kinilala ang inarestong suspek na si Lenard Atienza y Albuero dahil sa sinasabing paglabag nito sa Article 177 o Usurpation of Authority at Art. 179 o Illegal Use of Uniforms and Insignia of RPC.
Sa ulat ng otoridad, si Atienza ay dinakip sa East St., Ayala Center, Brgy. San Lorenzo sa naturang lungsod.
Nauna rito, humingi ng tulong ang isang taxi driver sa guwardiyang si Dean Mark Ayes, 43-anyos, dahil nag-demand umano ng pera ang kanyang lalaking pasahero na nagpakilalang pulis.
Agad pinuntahan ng taxi driver at ni Ayes ang suspek na nakasuot pa ng police athletic uniform at police field cap habang naglalakad sa kalsada sa lugar.
Nabigong magpakita ng PNP ID ang suspek sa guwardiya kaya agad dinala si Atienza sa Makati City Police Ayala Police Substation.
Nagsasagawa ng kaukulang imbestigasyon ang Investigation and Detective Management Section sa nasabing kaso. (Bhelle Gamboa)