Opisyal at mga tauhan ng fire station sa Pangasinan sinibak matapos ang pagkasawi sa sunog ng limang miyembro ng isang pamilya
Mga opisyal at mga tauhan ng fire station sa Pangasinan sinibak sa puwesto matapos ang pagkasawi sa sunog ng limang miyembro ng isang pamilya
Sinibak sa serbisyo ang lahat ng mga opisyal at tauhan ng Fire Station sa bayan ng Pozorrubio sa Pangasinan.
Ito ay kasunod ng pagkasawi ng limang miyembro ng isang pamilya sa naturang bayan matapos na masunog ang kanilang bahay.
Ang kautusan ay mula sa Bureau of Fire Protection – Ilocos Region.
Pansamantalang itinalaga si Senior Fire Officer 3 Amante Clemente Battalao para pamunuan ang fire station kapalit ni SFO4 Randy Fabro.
Magugunitang nasawi sa sunog ang mag-asawang Mark at Dixie Ann at tatlo nilang anak.
Ayon kay Pangasinan Gov. Ramon Guico III, nakatanggap siya ng ulat na nag-iinuman ang mga bumbero nang mangyari ang sunog.
Sinabi ni Guico na natagalan ang pagresponde ng mga tauhan ng BFP sa sunog gayong isang kilometro lamang ang layo ng bahay mula sa fire station. (DDC)