7.6 Inflation rate naitala ng PSA noong nakaraang buwan ng Marso
Bumagal ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo noong Marso kumpara noong buwan ng Pebrero.
Ito ay makaraang makapagtala ang Philippine Statistics Authority (PSA) ng 7.6 inflation rate noong Marso na mas mababa kumpara sa 8.6 percent noong Pebrero.
Ayon kay National Statistician Dennis Mapa, ang pangunahing dahilan ng pagbagal ng antas ng inflation nitong Marso 2023 kaysa noong Pebrero 2023 ay ang mas mabagal na paggalaw ng presyo ng Food and Non-Alcoholic Beverages.
Partikular na bumaba ang presyo ng gulay, karne at asukal.
Ang pangalawang nag-ambag sa pagbagal ng antas ng inflation ay ang mas mabagal na paggalaw ng presyo ng Transport na may 5.3 percent inflation at 29.8 percent share sa pagbaba ng pangkalahatang inflation sa bansa nitong Marso 2023.
Ayon kay Mapa, bumaba ang presyo ng gasolina at diesel noong Marso kumpara noong Pebrero.
Habang ang pangatlong nag-ambag sa pagbagal ng antas ng inflation ay ang mas mabagal na paggalaw ng presyo ng Housing, Water, Electricity, Gas and Other Fuels. Ito ay bunsod naman ng pagbaba ng presyo ng LPG. (DDC)