9 sa 10 na umeskapong detainees, balik selda sa Pasay
Iniulat ni Southern Police District Office (SPDO) District Director, Brigadier General Kirby John Brion Kraft ang muling pagkakaaresto ng siyam sa 10 na Persons Under Police Custody (PUPC) na tumakas mula sa Malibay Detention Facility sa Pasay City sa isinagawang manhunt operation ng otoridad.
Balik-selda na sa Pasay City Police ang mga tumakas na PUPC na sina Carlo Magno Benavidez y Legaspi (Violation of RA 9165); Christian Salvatierra y Samson (Violation of RA 9165); Norman Deyta y Punzalan (Violation of RA 9165); Romeo Marasigan y Estopa (Robbery);John Michael Cabe y Medellin (Carnapping); Joey Hernandez y Gabriel (Violation of PD 1602); Eden Garcia y Rodriguez (Violation of PD 1602);Tirzo Galit y Navarro (Robbery) at Joshua Panganiban (Robbery).
Patuloy pang pinaghahanap ng mga pulis ang PUPC na si Richard Dela Cruz na nahaharap sa paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 o RA 9165.
Nabatid na agad nagbigay ang SPD ng tig-P100,000 na reward money para sa ikadarakip ng naturang 10 PUPC bukod pa rito ang inilabas na tig-P30,000 na pabuya ni City Mayor Emi Calixto-Rubiano.
Ayon sa pinakabagong report ng SPD,dakong alas-10:00 ng umaga ng Abril 4 muling nasakote ng otoridad ang PUPC na si Norman Deyta y Punzalan ,alyas Pitpit,28-anyos, sa Apelo Cruz St., Barangay 152, Pasay City kung saan nasamsam ang isang 9mm Beretta SN P61863Z at magazine na kargado ng walong bala ng baril.
Habang nadakip muli sina Romeo Estopa y Marasigan, sa Mulawin St., Brgy. 179 Maricaban Pasay City bandang alas-6:45 ng umaga ng Martes at Carlo Magno Benavides y Legaspi, 37-anyos, sa Medecion 2E, Imus City Cavite,alas 7:15 ng umaga.
Una nang nagbigay ng 48 na oras na ultimatum si National Capital Region Police Office (NCRPO) Regional Director, Major General Edgar Alan Okubo kina DD Kraft at Pasay City Police Chief Col. Froilan Uy upang ibalik muli sa detention facility ng pulisya ang mga tumakas na PUPC matapos sirain ng mga ito ang metal grills ng piitan. (Bhelle Gamboa)