Southbound lane ng EDSA-Ortigas Flyover sasailalim sa repair
Magsasagawa ng rehabilitasyon ang Department of Public Works and Highways (DPWH) sa southbound lane ng EDSA-Ortigas Flyover sa Mandaluyong City ngayong Holy Week.
Sa abiso ng DPWH – Metro Manila 1st District Engineering Office, simula alas 8:00 ng umaga ng April 6 hangang 11:59 ng gabi ng April 10 ay isasara ang tatlong linya ng EDSA Ortigas Flyover – Southbound.
Magsasagawa ang DPWH ng rectification works sa nasabing kalsada para maiayos ang mga nakitang sira sa expansion joints nito.
Mananatili namang bukas sa daloy ng traffic ang northbound lane ng flyover.
Ang proyekto ay bahagi ng yearly preventive maintenance ng DPWH NCR sa mga national bridges at kalsada sa Metro Manila.
Pagkatapos ng rehabilitation work inaasahang mas mapagtitibay ang overall bridge structural integrity ng flyover para sa mga sasakyang galing ng Pasig City, Quezon City, at kalapit na mga lugar.
Dahil ipatutupad ang full closure sa southbound portion pinapayuhan ang mga motorista na gumamit ng alternatibong ruta.
Tiniyak ng DPWH NCR na bubuksan na ang nasabing flyover sa April 10, 2023 dahil inaasahan ang pagdagsa ng mga motoristang babalik sa Metro Manila mula sa mahabang bakasyon. (DDC)