P479K ‘shabu’ nakumpiska, 5 suspek timbog sa Makati
Sa kulungan ang bagsak ng limang suspek na ilegal na nagsusugal ng cara y cruz nang maaresto madatnan ng mga pulis na nagsasagawa ng routine patrol at anti-criminality operation na resulta ng pagkakakumpiska ng umano’y 70.51 gramo ng shabu na nagkakahalaga sa ₱479,468 sa Makati City.
Kinilala ni Southern Police District (SPD) District Director, Brigadier General Kirby John Kraft ang mga suspek na sina Ronnie Saing y Bermejo, 33-anyos; Jayson Aggabao y Ordoña, 18-anyos; Edgardo Alcaraz y Caritativo, 27-anyos; Ronaldo Permejo y Abartez, 53-anyos; at Sheryl Jamirez y Go, 34-anyos.
Isang concerned citizen ang nagsumbong sa otoridad kaugnay sa nagaganap na ilegal na sugal kaya agad na pinuntahan ang Laperal Compound, Bernardino Street, Brgy. Guadalupe Viejo, Makati City, dakong alas-4:00 ng madaling araw nitong Marso 29.
Nasamsam sa mga suspek ang kabuuang ₱1,000 na pusta sa sugal at ₱3.00 na ginamit na “panggara”.
Minalas pang makumpiskahan ang mga suspek ng ilang pakete na naglalaman ng ‘shabu’ na agad itinurn-over sa Forensic Unit ng pulisya para sa pagsusuri.
Kasong paglabag sa PD 1602 (Anti Gambling Law) at Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang kakaharapin ng mga suspek na nakapiit sa Makati City custodial facility. (Bhelle Gamboa)