Maritime consultancy firm sa Maynila ipinasara dahil sa kawalan ng lisensya
Ipinatigil ng Department of Migrant Workers (DMW) ang operasyon ng isang consultancy firm sa Sta. Cruz, Maynila matapos matuklasang hindi ito lisensyado.
Base sa utos ni Migrant Workers Secretary Susan Ople, inisyuhan ng closure order ang JCB-Success Maritime Consultancy Services.
Hinikayat naman ni Ople ang mga nabiktima ng illegal recruitment at human trafficking na ilapit sa ahensya ang kanilang problema.
Sa reklamo ni Manuel Jericho L. Ramos, isa sa mga biktima ng JCP, sinabing nag-apply siya bilang engine cadet posted noong September 2021.
Siya at tatlo pang aplikante ay pinangakuan na mapapaalis sa loob ng tatlong buwan pero hindi ito nangyari.
Pinagbayad din sila ng P75,000 na placement fee.
Noong Agosto ng nakaraang taon, natanggap ni Ramos ang kaniyang travel documents pero ang kaniyang visa ay peke.
Noon lamang Oct. 2022 nagpasya si Ramos na magreklamo sa DMW.
Sa surveillance operations natuklasang walang permit sa ahensya ang JCB-Success Maritime Consultancy Services.
Nakatakdang magsampa ang DMW ng illegal recruitment cases laban sa may-ari ng kumpanya. (DDC)